Hindi akalain ng Bayan Patrollers na sina Joie Aquino, Sandra Otacan at Gemma Juanay na mismong Punong Ministro ng Japan na si Naoto Kan ang magpapasalamat sa kanila sa isang pagtitipon sa Tokyo.
Kinilala ng Japan ang kanilang kabayanihan nang pinili nilang huwag iwan ang kanilang mga alagang matatanda imbes na magpa-rescue sa mga awtoridad sa kasagsagan ng disaster sa Japan nitong Marso.
Naibalita ng Japanese media ang kuwento ng 3 Pinoy kaya nakarating ang istorya ng kanilang kabayanihan sa Japanese government.
Ipinaabot naman ng 3 Pinoy ang magandang balitang ito sa Bayan Mo, i-Patrol Mo.
“Happy po kami na parang kami po ay naging naging representative ng country natin,” sabi ni Aquino.
Ilang artikulo rin sa mga dyaryo sa Japan ang kumilala sa kanilang kabayanihan.
Dahil dito, dinagsa sila ng sulat at regalo bilang pasasalamat ng mga mamamayang Hapon.
“Nagse-send po sila ng letters of appreciation sa amin. Nakakatuwa din naman po kahit papaano,” dagdag pa ni Aquino.
Meron pa ngang nagpadala ng stamp collections at pera.
Ayaw naman nila itong tanggapin kaya’t ipinaubaya na lang nila sa management ng kanilang kumpanya ang pasya kung dapat bang ibalik ito.
Dahil para kina Joie, Sandra at Gemma, sapat na at nakapagpapataba ng puso ang magkaroon ng pagkakataong mabigyan ng magandang imahe ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino